G.R. No. 58847. August 31, 1989
PEOPLE OF THE PHILIPPINES, PLAINTIFF-APPELLEE, VS. BARTOLOME BARRANCO, ACCUSED-APPELLANT.
GANCAYCO, J.:
Ang isang karaniwang kasabihan ay “ang karangalan ng isang
tao ay katumbas ng kanyang buhay,” lalo na at
kung ang pag-uusapan ay ang karangalan, dangal o puri ng isang babae. Kaya nga sa batas,
ang pagsira ng puri ng isang babae ay mabigat na kasalanan at kung ito ay
ginawa ng sapilitan ang parusang katumbas ay mabilanggo habang buhay. Ano pa at kung ang
pag-gahasa ay ginamitan ng sandatang nakamamatay o ginawa ng dalawa o higit
pang kalalakihan, o ang pinagsamantalahan ay namatay o nasiraan ng bait, ang
pataw na parusa sa batas ay bitay.[1]
Ganoon pa man sa ating saligang batas ay ipinagbabawal
na ilapat ang parusang ito.[2]
Ito ang paksa ng paghahabol na ito.
Si Rosalia Barranco ay isang dalagang labing-siyam na taong gulang lamang.
Siya ang panganay sa pitong anak ng mag-asawang
Jaime at Aurora Barranco. Tuwing araw ng
Sabado, ang magkakapatid maliban kay Rosalia ay tumutulong sa
kanilang mga magulang sa pagsasaka sa kanilang bukid sa Abanay, may layong
tatlong kilometro sa kanilang tirahan sa Madong, Janiuay, Iloilo. Naiiwang mag-isa si Rosalia sa bahay upang siya ay tumingin sa alagang baboy at
magsilbing bantay ng kanilang tahanan.
Si Bartolome Barranco ay may-asawa at limang
anak. Siya ay pinsang makalawa ng
ama ni Rosalia at pinakamalapit na kapitbahay ng
pamilyang Barranco sa Baranggay Madong.
Ang pagitan ng dalawang
tirahan ay humigit kumulang lamang sa isang daang
(100) metro. Si Rosalia ay kumare ng
asawa ni Bartolome.
Nang katanghalian ng ika-10 ng Pebrero, 1980, habang si Rosalia
ay mag-isang natutulog sa kanilang bahay, bigla na
lamang niyang naramdaman na may taong nakadagan sa kanya. Nang imulat ni
Rosalia ang kanyang mga mata, nakita niya si Bartolome na hubo’t hubad sa
kanyang ibabaw. Kung sa
papaanong paraan nakapasok sa kanilang bahay ang nasabing tao ay hindi niya
mawari. Nang makita niya ang mukha ni Bartolome akala niya na ang mga pangyayari ay isang
masamang panaginip lamang subalit siya ay nagitla nang itinutok ni Bartolome
ang isang patalim (butcher’s knife) sa kanyang leeg. Binalaan siya nito na
kung siya ay magtatangkang gumalaw o sumigaw ay papatayin siya nito. Hindi makagalaw sa
sindak si Rosalia. Itinaas ni Bartolome ang kanyang palda at biglang binatak ang
kanyang panti.
Sapagkat magkadikit ang mga hita ni
Rosalia, iniutos ni Bartolome na ibuka niya ang mga ito. Hindi siya sumunod kaya siya ay binantaang
muli na papatayin ni Bartolome kapag hindi niya
ibinuka ang kanyang mga hita. Lalong
nanigas sa takot si Rosalia. Hinawi ni Bartolome
ang mga hita ni Rosalia, at tinangka nitong ipasok ang kanyang ari sa ari ng
dalaga. Matapos ang dalawang ulit na sapilitang pagtatangka ay nagtagumpay si Bartolome na
maipasok ang kanyang ari at tuluyang hinalay si Rosalia. Naramdaman ni
Rosalia ang matinding hapdi sa bungad ng kanyang ari. Pagkatapos nito, nagpahinga si Bartolome ng
mga limang minuto habang ang kanyang ari ay nakababad sa
ari ni Rosalia. Ipinagpatuloy
niya ang kanyang makamundong pagnanasa.
At habang ginagahasa ni Bartolome si Rosalia
hawak niya ang patalim na nakatutok sa leeg ni Rosalia.
Bago tuluyang umalis si Bartolome, binalaan niya ang dalaga na huwag magsusumbong sa kanyang mga magulang kung ayaw
niyang mamatay. Sumusulak ang kalooban ni Rosalia sa tindi ng galit bunga ng pagkalugso ng kaniyang
puri, subalit hindi siya makakibo dahil sa malaking takot na baka siya ay
patayin ni Bartolome oras na isiwalat niya ang nangyari. Kaya’t minabuti na
lamang niya na itikom ang kanyang bibig at tiisin ang masaklap na kapalaran.
Noon ika-19 ng Marso,
1980, ika-siyam ng umaga noon, habang
si Rosalia ay abalang naghahanda
ng pagkain ng alagang baboy, bigla na Iamang siyang
sinakmal ng buhat sa likod ni Bartolome upang pagsamantalahang muli. Ang kanyang ina ay
nagkataon na wala sa bahay noon
sapagkat dumalo sa pagtatapos ng isa sa kanyang mga kapatid na babae. Sa kanyang
pagkabigla, dinampot ni Rosalia ang isang pirasong kahoy at ipinalo niya ito sa
ulo ni Bartolome. Binitiwan siya ni Bartolome. Agad
siyang lumabas ng bahay at sinabing sisigaw ng saklolo kung
hindi titigil si Bartolome. Dahil dito, agad-agad umalis si Bartolome.
Pagdating ng kanyang ina, nuong mga
ikalabing-isa ng umaga, nakita nito si Rosalia na umiiyak. Itinanong nito ang dahilan. Hindi na nakatiis si
Rosalia at napilitang ipagtapat sa kanyang ina ang naganap noong ika-10 ng
Pebrero. Kinabukasan, si Rosalia kasama
ng kanyang ina ay nagsumbong sa puno ng pulisya sa
Janiuay, Iloilo. Pinayuhan sila na
ipasuri muna ang dalaga sa manggagamot ng NBI sa Iloilo
City. Sa nasabing
tanggapan, sinuri siya ni Dr. Ricardo H. Jaboneta.
Tiningnan pa kung siya ay buntis (pregnancy
test) at napag-alaman na siya nga ay nagdadalang tao.
Noong ika-16 ng Abril, 1980, nagharap ng habla si Rosalia sa salang panggagahasa laban kay Bartolome sa mababang
hukuman (municipal circuit court) ng Janiuay-Badiangan, Iloilo. Matapos madakip si Bartolome at ang paunang pagsisiyasat, ang nauukol na habla ay isinampa ng punong taga-usig ng lalawigan sa
hukuman. Nang itanong kay Bartolome kung inaamin niya ang paratang laban sa kaniya sa hukuman,
tinanggihan niya ito kayat pinasimulan ang paglilitis hanggang sa ito ay
matapos.
Noong ika-3 ng Abril, 1981 naglabas ng hatol
ang hukuman. Napatunayan na si Bartolome ay nagkasala ng panggagahasa sa pamamagitan
ng sandatang nakamamatay. Ipinataw sa kanya ang parusang pagkabilanggo ng habang-buhay kasama
ang iba pang mga parusa ayon sa batas at pinagbabayad pa siya ng halaga ng
usapin. Iniutos din ng hukuman na kilalanin niyang anak
ang bunga ng kanyang kasalanan. At sa dahilang siya ay nakapiit mula pa ng ika-3 ng Hulyo,
1980, iniutos din na ang kanyang pansamantalang pagkabilanggo ay bibilangin na
kasama sa parusang ipinataw sapagkat siya ay lumagda sa isang kasunduan na
tutupad sa lahat ng pinag-uutos sa mga naparusahang nakapiit.
Naghahabol ngayon ang nasasakdal sa
Hukumang ito at sinasabing: (1) hindi
dapat pinaniwalaan ang pahayag ng nagreklamo sa dahilang walang ibang nagpatotoo dito; (2) na hindi siya
dapat parusahan sa salang panggagahasa; at (3) hindi siya dapat utusan na
kilalaning anak niya ang naging supling ni Rosalia.
Matapos na suriin ang mga katibayang
iniharap, walang makitang sapat na dahilan ang Hukumang ito upang baguhin ang
pasiya ng mababang hukuman.
Ang kasalanang panggagahasa ay totoong mahirap
patunayan sapagkat ang karaniwang nakakaalam lamang nito ay ang
pinagsamantalahan at ang nagsamantala.
Samakatuwid, hindi maaasahan na mayroon pang
ibang makapagpapahayag ng pangyayari.
Hindi pangkaraniwan na ang salang ito ay
nagaganap ng may saksi. Sa ganitong dahilan ang hukuman ay umaasa sa katapatan ng
pahayag ng nagsusumbong at tinitimbang ito laban sa pagtanggi o
pagpapasinungaling ng inuusig.
Sinasabi ng nasasakdal na hindi dapat
paniwalaan ang mga pahayag ng nagsasakdal dahil sa hindi pagkakatugma
nito. Una, di-umano ay nagpahayag ang
nagsasakdal na siya ay natakot kaya siya ay sumunod sa
utos ng nasasakdal na ibuka ang kanyang mga hita. Subalit nang tanungin siyang muli ng
manananggol ng nasasakdal ang naging kasagutan niya ay ang nasasakdal ang
siyang humawi ng kanyang mga hita. Walang
saliwa sa mga pahayag na ito. Malinaw na dahil sa
tindi ng takot ni Rosalia, ibinuka niya ang kanyang mga hita at hinayaang
mahawi ng nasasakdal ang kanyang mga hita.
Ikalawa, sinabi raw ng naghahabla na
binunot ng nahahabla ang kanyang ari pagkatapos siyang gamitin nito at ipinasok
lamang ito nang muli siyang inabuso.
Noong siya ay tanungin ng manananggol ng nasasakdal ukol sa bagay na ito, ng sabi niya ay nagpahinga ang nahahabla na
ang kanyang ari ay nakababad sa loob ng kanyang ari.
Dapat alalahanin na ang naghahabla ay
isang dalaga na noon lamang
nakaranas ng bagay na ito. Nakaramdam
siya ng matinding sakit sa kanyang ari at bukod pa rito ay ang malaking takot na
sumagila sa kanya. Hindi maaasahan na malaman pa niya kung
binunot nga o hindi ng
nasasakdal ang kanyang ari. Maaaring
sinabi niyang nakababad pa rin ang ari
ng inuusig sa kanya kung pagkatapos ng paggalaw
nito ang nasasakdal ay hindi umalis sa pagkakadagan sa kanya habang ito ay
sandaling nagpahinga.
Ikatlo, di-umano, tiwali ang pahayag ng naghahabla na noong ika-19
ng Marso nang tinangkang halayin siyang muli ng nasasakdal ay pinalo niya ito
ng kahoy sa ulo, at sinabi rin niya na kung ang nahahabla ay lalapit, siya ay
lalabas at hihingi ng saklolo. Walang lisya dito. Maliwanag na sinabi
ng nagsasakdal na pinalo niya sa ulo ang nasasakdal kaya nabitawan siya
nito. At malinaw rin na
ang nagsasakdal ay lumabas at sinabing hihiyaw siya kapag nagpatuloy sa
masamang tangka ang nasasakdal.
Ganoon pa man, kung mayroon mang hindi
pagkakatugma ang pahayag ng naghahabla, ito ay sa mga maliliit na bahagi lamang at ito ay hindi sapat na dahilan upang
hindi paniwalaan ng hukuman ang kabuuan
ng kanyang ipinahayag. Ang totoo
nito, dahil sa napakasaklap na naranasan ng
nagsasakdal hindi maaasahan na matatandaan pa niya ang pinakamaliliit na bahagi ng pangyayari. Ang isang saksi na
ang pahayag ay mayroong kaunting pagkakamali ang karaniwang nagsasabi ng
katotohanan.
Sa kabilang dako, hindi kapani-paniwala
ang pahayag ng nasasakdal na hindi niya pinilit ang nagsasakdal noong ika-10 ng
Pebrero. Kusang-loob daw ang kanilang pagtatalik
at may isang taon nang may pagkakaugnayan sila bago pa man dumating ang nasabing
araw.
Ito ay napasinungalingan ng kinalabasan ng pagsusuri ng
manggagamot ng NBI sa ari ni Rosalia, gaya ng
sumusunod:
“labia
majora and minora coaptated. Fourchette tense vestibular moncoss vilacious. Hymen fleshy, presence of superficial
laceration at 9 o’clock position
according to face of a watch. Edges
fairly coaptable and congested. Hymenal
orifice originally angular and admits glass tube three cms. diameter
with moderate resistance.”
Ito ang karaniwang kalagayan ng ari ng babaeng donselya matapos
ang kanyang unang karanasan.
Samakatuwid, walang katotohanan ang salaysay ng nahahabla na may isang taon na silang nagtatabi ng nagsasakdal bago pa
noong ika-10 ng Pebrero.
Sinabi rin ng nasasakdal na ang
nagsasakdal ang tumukso sa kanya kaya sila nagkaroon ng kaugnayan. Pinangalawahan ito ng kaniyang asawa na si Salvacion Sarno na nagpahayag na ang nagsasakdal ang
hayagang umakit sa kanyang asawa at sa harap niya ay ikinaskas pa ang suso nito
sa asawa niya. Nang sinaway niya ito,
ang sagot di-umano sa kanya ay “wala kang
pakialam sapagkat ako ay puta!”
Hindi kapanipaniwala! Walang anumang katibayan na
iniharap ang nasasakdal na ang nagsasakdal ay malandi at malaswang babae. Kahit na ang isang
masamang babae ay hindi ipagsisiksikan ang kanyang katawan sa isang lalaki
laluna’t kung nakaharap ang asawa nito.
At lalo nang mahirap paniwalaan kung magkumare
sila. At kung
totoo man na ginawa ito ng nagsasakdal sa harapan ng asawa ng nasasakdal, bakit
hindi man lamang nagalit ito?
Na ang nasasakdal ay naglulubid lamang ng
buhangin ay napansin din ng mababang hukuman samantalang siya ay nagpapahayag dito. Nang sinasabi niyang sila ng nagsasakdal ay
mayroong kaugnayan, napansin ng hukom na matagal at
atubili siya sa pagsagot sa mga tanong.
Nang usisain ng hukom kung bakit hindi siya
agad makapagsalita ang sagot niya ay siya ay natatakot, subalit hindi niya
masabi kung ano ang kaniyang kinatatakutan.[3]
Maliwanag na ang kinatatakutan niya ay ang malaking
kasinungalingan na hinahabi niya upang makaligtas siya sa kaniyang mabigat na
sala.
Ipinagdidiinan ng nasasakdal na ang
sumbong laban sa kanya ay pagbabangong-puri lamang ng nagsasakdal sa dahilang
ito ay nagdadalang-tao. Bakit kinakailangan pang ipaghayagan
ang kapalaran ng nagsasakdal sa hukuman kung hindi ito ang katotohanan? Kung sila man ay nagkaroon ng pinagdaanan hindi kaya higit na mamarapatin pa ng nagsasakdal ang tiisin
na lamang ang kanyang sinapit na kalagayan sa halip na magdala ng malaking
kahihiyan sa kanyang angkan? Ang
nakikitang dahilan ng Hukuman ay sapagkat nais ng nagsasakdal na maibangon ang kanyang nilugsong puri at maipataw ang kaukulang
parusa sa nasasakdal.
Ipinagtatalo ng nahahabla
kung bakit hindi agad nagsumbong ang naghahabla sa kanyang mga magulang; na
hindi agad siya nagpasuri sa manggagamot; na hindi siya humingi ng saklolo nang siya ay ginagahasa; na walang
anumang sugat o gasgas sa kaniyang katawan; na hindi napunit ang kanyang panti
o damit; at bakit inireklamo sa ina ang tangka noong ika-19 ng Marso subalit
hindi naman inireklamo ang pagkagahasa noong ika-10 ng Pebrero.
Ang sagot ay simple lamang. Malaki ang naging takot ng
naghahabla. Tiniis niya ang
mapait na karanasan at ito ang dahilan kaya hindi siya
agad nagsumbong sa kaniyang mga magulang, hindi siya kaagad nagpunta sa
manggagamot, at hindi siya nakasigaw ng saklolo. Dahil sa kanyang
takot, nahubaran siya ng malaya at napagsamantalahan ng nasasakdal. Kaya wala siyang gasgas sa
katawan. Wala siyang napunit na damit o panti.
Subalit matapos ang higit sa isang buwang
pagtitiis, at dahil sa muling pagtatangka sa kanyang puri, nagputok na ang
kalooban ng nagsasakdal. Labis na ito. Sobra na. Dapat ng kalusin.
Dinampot niya ang isang putol ng kahoy at ipinukpok sa
ulo ang nasasakdal. At nang tangkaing
ituloy ang masamang hangarin, sinabi ng nagsasakdal na
lalabas siya at hihiyaw ng
saklolo. Ang kanyang matinding galit ay
nangibabaw sa kanyang takot. Saka lamang natigil ang maitim na hangarin ng nasasakdal.
Sapat na ito. Ang salang ginawa ng
nahahabla ay malinaw. Hinalay
niya ang karangalan ng isang dalaga na naiwang
nag-iisa sa kanilang bahay. Naturingan pa namang kamag-anak ang nahahabla ng nag-uusig at pinakamalapit na kapitbahay na dapat asahan na magmamalasakit
ngunit siya pa ang nagsamantala dito.
Dapat siyang managot sa kanyang nakaririmarim
na ginawa. Ang puri ng
isang dilag ay kanyang buhay.
Wasto ang parusa na mabilanggo ng
panghabang-buhay ang nasasakdal.
Subalit mayroong pagkakamali ang mababang hukuman ng ipag-utos nito na kilalanin ng
nahahabla bilang anak ang bunga ng kanyang kasalanan. Ang nahahabla ay may-asawa. Hindi maaari na
kilalanin ang batang bunga ng kasalanan na anak ng isang may-asawa.[4]
Subalit may katungkulan siyang sustentuhan ang bata ayon sa
batas.[5]
Bukod pa dito dapat pagbayarin ang nahahabla ang malaking pinsala na ginawa
niya kay Rosalia Barranco ng halagang P30,000.00.[6]
DAHIL DITO, ang paghahabol ni Bartolome Barranco ay
pinawawalang bisa at ang hatol ng mababang hukuman ay pinagtitibay ng walang
anu-mang pagbabago maliban na siya ay inuutusan na sustentohan ang naging bunga
ng kanyang kasalanan sa halaga at panahon na papasiyahan ng mababang hukuman sa
pagbasa ng hatol na ito at babayaran niya ang nagsasakdal ng P30,000.00.
IPINAG-UUTOS.
Narvasa, (Chairman), Cruz, Griño-Aquino, and Medialdea, JJ., concur.
[1]
Article 336, Revised Penal Code.
[2]
Section 19(1), Article III, 1987 Constitution of the Philippines.
[3]
TSN, February 16, 1981,
pages 33-34.
[4]
People vs. Luchico, 49 Phil. 689 (1926).
[5]
Article 291, Civil Code as amended by Article 195, Family Code; Article 345,
Revised Penal Code; People v. Manaba, 58 Phil. 665 (1933).
[6]
People vs. Resano, 132 SCRA 711 (1984).